Magandang Balita Biblia Revisi

1 Pedro 1:12-22 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

12. Nang kanilang ipahayag ang mga katotohanang ito, ipinaunawa sa kanila ng Diyos na ang ginagawa nila ay para sa inyo, at hindi para sa kanila. Ang mga katotohanang ito'y narinig ninyo ngayon sa mga nangangaral ng Magandang Balita ng Diyos sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na isinugo sa kanila mula sa langit. Maging ang mga anghel sa langit ay nanabik na maunawaan ang mga katotohanang ito.

13. Kaya nga, ihanda ninyo ang inyong mga isipan para sa dapat ninyong gawin. Maging mahinahon kayo at lubos na umasa sa pagpapalang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Jesu-Cristo.

14. Bilang masunuring mga anak, huwag kayong umayon sa masasamang pagnanasa tulad ng ginagawa ninyo noong kayo'y wala pang tunay na pagkaunawa.

15. Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa,

16. sapagkat nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako'y banal.”

17. Walang itinatangi ang Diyos. Pinapahalagahan niya ang bawat isa ayon sa mga ginawa nito. At dahil tinatawag ninyo siyang Ama, igalang ninyo siya habang kayo'y nabubuhay.

18. Alam ninyo kung ano ang ipinantubos sa inyo sa walang kabuluhang pamumuhay na inyong minana sa inyong mga magulang. Ang ipinantubos sa inyo'y hindi ang mga bagay na nasisira o nauubos, tulad ng ginto o pilak,

19. kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo. Siya ang korderong walang batik at kapintasan.

20. Pinili na siya ng Diyos sa gawaing ito bago pa nilikha ang daigdig, at ipinahayag siya alang-alang sa inyo, bago sumapit ang katapusan ng mga panahon.

21. Dahil kay Cristo, sumasampalataya kayo sa Diyos na sa kanya'y muling bumuhay at nagparangal, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos.

22. Ngayong malinis na kayo dahil sa inyong pagsunod sa katotohanan, at naghahari na sa inyo ang tapat na pag-iibigan bilang magkakapatid, nawa'y maging maalab at taos sa puso ang inyong pagmamahalan.