Magandang Balita Biblia Revisi

1 Pedro 1:1-7 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Mula kay Pedro, isang apostol ni Jesu-Cristo—Sa mga hinirang ng Diyos na nasa iba't ibang lalawigan ng Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia.

2. Kayo'y pinili ng Diyos Ama ayon sa kanyang kaalaman sa mula't mula pa at pinabanal ng Espiritu Santo, upang maging masunurin kay Jesu-Cristo at nilinis sa pamamagitan ng kanyang dugo.Sumagana nawa sa inyo ang pagpapala at kapayapaan.

3. Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo mula sa libingan at ito ang nagbigay sa atin ng isang buháy na pag-asa.

4. Makakamit natin ang isang kayamanang di masisira, walang kapintasan, at di kukupas na inihanda ng Diyos sa langit para sa inyo.

5. Sapagkat kayo'y sumasampalataya, iingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos habang hinihintay ninyo ang kaligtasang iyan na ihahayag sa katapusan ng panahon.

6. Ito'y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon.

7. Ang gintong nasisira ay pinaparaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay pinaparaan sa pagsubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo.