Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Taga-Tesalonica 2:9-20 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

9. Mga kapatid, tiyak na natatandaan pa ninyo kung paano kami nagtrabaho at nagsikap araw-gabi para hindi kami makabigat kaninuman habang ipinapahayag namin sa inyo ang Magandang Balitang mula sa Diyos.

10. Saksi ang Diyos at saksi rin namin kayo, kung paanong naging dalisay, matuwid, at walang kapintasan ang aming pakikitungo sa inyo na mga sumasampalataya.

11. Tulad ng alam ninyo, kami'y naging parang ama sa bawat isa sa inyo.

12. Pinayuhan namin kayo, pinalakas namin ang inyong loob, at hinikayat na mamuhay nang tapat sa paningin ng Diyos na tumawag sa inyo upang mapabilang sa kanyang kaharian at kaluwalhatian.

13. Kaya nga, palagi kaming nagpapasalamat sa Diyos, sapagkat nang ipangaral namin sa inyo ang kanyang salita, hindi ninyo ito tinanggap mula sa tao, kundi bilang tunay na salita ng Diyos, at ang bisa nito'y nakikita sa buhay ninyo na mga sumasampalataya.

14. Mga kapatid, ang nangyari sa inyo ay tulad ng nangyari sa mga iglesya ng Diyos sa Judea, sa mga nananalig kay Cristo Jesus. Inuusig kayo ng inyong mga kababayan, tulad din ng mga taga-Judea na inusig ng kapwa nila Judio.

15. Ang mga Judiong ito ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta. Sila rin ang umuusig sa amin. Nagagalit sa kanila ang Diyos at kaaway sila ng lahat ng tao!

16. Hinahadlangan nila ang aming pangangaral na makakapagligtas sa mga Hentil. Umabot na sa sukdulan ang kanilang kasamaan, kaya't ngayon ay bumagsak na ang poot ng Diyos sa kanila.

17. At ngayon, mga kapatid, nang kami'y sandaling malayo sa inyo, hindi sa alaala kundi sa paningin, labis kaming nangulila. Kaya't sabik na sabik na kaming makita kayong muli

18. at nais naming makabalik diyan. Makailang ulit kong binalak dumalaw diyan sa inyo, ngunit lagi kaming hinahadlangan ni Satanas.

19. Hindi ba't kayo lamang ang aming pag-asa, kaligayahan, at ang koronang maipagmamalaki namin sa harap ng Panginoong Jesus pagparito niya?

20. Oo, kayo ang aming karangalan at kaligayahan.