Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Taga-Tesalonica 2:7-15 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

7. kahit na, bilang mga apostol ni Cristo, ay may katuwiran kaming umasa ng ganoon. Ngunit naging magiliw kami sa inyo, tulad ng isang mapagkalingang ina sa kanyang mga anak.

8. Dahil sa laki ng aming pagmamahal sa inyo, hindi lamang namin inihandog ang aming sarili sa pangangaral sa inyo ng Magandang Balita, kundi maging ang aming buhay ay ihahandog din namin.

9. Mga kapatid, tiyak na natatandaan pa ninyo kung paano kami nagtrabaho at nagsikap araw-gabi para hindi kami makabigat kaninuman habang ipinapahayag namin sa inyo ang Magandang Balitang mula sa Diyos.

10. Saksi ang Diyos at saksi rin namin kayo, kung paanong naging dalisay, matuwid, at walang kapintasan ang aming pakikitungo sa inyo na mga sumasampalataya.

11. Tulad ng alam ninyo, kami'y naging parang ama sa bawat isa sa inyo.

12. Pinayuhan namin kayo, pinalakas namin ang inyong loob, at hinikayat na mamuhay nang tapat sa paningin ng Diyos na tumawag sa inyo upang mapabilang sa kanyang kaharian at kaluwalhatian.

13. Kaya nga, palagi kaming nagpapasalamat sa Diyos, sapagkat nang ipangaral namin sa inyo ang kanyang salita, hindi ninyo ito tinanggap mula sa tao, kundi bilang tunay na salita ng Diyos, at ang bisa nito'y nakikita sa buhay ninyo na mga sumasampalataya.

14. Mga kapatid, ang nangyari sa inyo ay tulad ng nangyari sa mga iglesya ng Diyos sa Judea, sa mga nananalig kay Cristo Jesus. Inuusig kayo ng inyong mga kababayan, tulad din ng mga taga-Judea na inusig ng kapwa nila Judio.

15. Ang mga Judiong ito ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta. Sila rin ang umuusig sa amin. Nagagalit sa kanila ang Diyos at kaaway sila ng lahat ng tao!