Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Hari 9:13-25 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

13. Kaya nasabi niya, “Kapatid, bakit naman ganito ang mga lunsod na ibinigay mo sa akin?” Kaya't tinawag na Lupa ng Cabul ang mga lunsod na iyon hanggang ngayon.

14. Nagpadala si Hiram kay Solomon ng 4,200 kilong ginto.

15. Gumamit si Haring Solomon ng sapilitang pagtatrabaho upang maipatayo ang Templo ni Yahweh at ang kanyang palasyo, at upang patatagin ang Millo at ang mga pader ng Jerusalem, Hazor, Megido at Gezer.

16. Ang Gezer ay dating lunsod ng mga Cananeo na sinalakay at sinakop ng Faraon, hari ng Egipto. Sinunog niya ito at pinatay ang mga tagaroon. Pagkatapos, ibinigay ng Faraon ang lunsod na ito kay Solomon bilang dote ng kanyang anak na naging reyna ni Solomon.

17. Ngunit ito'y muling ipinatayo ni Solomon. Ipinagawa rin niya ang Beth-horon sa Timog,

18. ang Baalat, ang Tadmor sa ilang

19. at ang mga lunsod at bayang himpilan ng kanyang mga kabayo at karwahe. Ipinagpatuloy niya ang lahat niyang binalak ipagawa sa Jerusalem, sa Lebanon at sa lahat ng lupaing kanyang sakop.

20. Sapilitang pinapagtrabaho ni Solomon ang mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Hivita at Jebuseo na nakatira pa sa lupain.

21. Ito ang mga anak at apo ng mga nakaligtas nang iutos ni Yahweh sa mga Israelita na lipulin ang lahat ng lahi na daratnan nila sa lupain ng Canaan.

22. Hindi niya isinama sa sapilitang paggawa ang mga Israelita. Sa halip ang mga ito'y ginawa niyang mandirigma, mga kawal at pinuno ng hukbo, ng kanyang kabayuhan, at ng kanyang mga karwahe.

23. Ang bilang ng mga tagapangasiwa ni Solomon na pinamahala niya sa mga manggagawa ay 550 katao.

24. Nang mayari na ang palasyong ipinagawa niya para sa reyna na anak ng Faraon, pinalipat niya ito mula sa Lunsod ni David. Pagkatapos, ipinagawa niya ang Millo.

25. Taun-taon, tatlong beses na naghahandog si Solomon sa altar na itinayo niya para kay Yahweh. Nag-aalay siya ng mga handog na susunugin at mga handog na pinagsasaluhan, at nagsusunog din siya ng insenso para kay Yahweh. At natapos niya ang pagtatayo ng Templo.