Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Hari 9:1-7 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Nang maipagawa na ni Solomon ang Templo ni Yahweh, ang palasyo ng hari, at ang lahat ng binalak niyang ipatayo,

2. nagpakita muli sa kanya si Yahweh, tulad ng nangyari sa Gibeon.

3. Sinabi sa kanya, “Ibinigay ko ang lahat ng hiniling mo sa iyong panalangin. Itinatakda kong sa Templong ito na inyong ipinatayo, dito mo ako sasambahin magpakailanman. Babantayan ko at iingatan ang Templong ito habang panahon.

4. Kung ikaw naman ay mananatiling tapat sa akin, gaya ng iyong amang si David, kung gagawin mong lahat ang mga ipinagagawa ko sa iyo, at susundin mo ang aking mga utos at tuntunin,

5. pananatilihin ko sa trono ng Israel ang iyong angkan. Iyan ang aking ipinangako sa iyong amang si David.

6. Ngunit kung ikaw, o ang iyong mga anak, ay tatalikod sa akin at hindi susunod sa aking mga kautusan at batas; kapag kayo'y sumamba at naglingkod sa ibang diyos,

7. palalayasin ko ang bayang Israel sa lupaing ibinigay ko sa kanila. Itatakwil ko ang Templong ito na aking itinuring na banal at itinakdang lugar na kung saan ako ay sasambahin. Ang Israel ay pagtatawanan at hahamakin ng lahat ng bansa.