Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Hari 8:36-57 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

36. pakinggan ninyo sila, Yahweh. Patawarin ninyo ang inyong mga alipin, ang bayang Israel. Ituro ninyo sa kanila ang landas na dapat nilang lakaran. Ibuhos na ninyo ang ulan sa lupaing ibinigay ninyo sa inyong bayan.

37. “Kung lumaganap sa lupain ang gutom at salot, kung malanta at matuyo ang mga halaman, kung ang mga ito'y salantain ng uod at balang, kapag ang alinman sa kanilang lunsod ay kinubkob ng kaaway,

38. pakinggan ninyo ang kanilang dalangin. Sa sandaling sila'y magsisi at iunat ang kanilang mga kamay paharap sa lugar na ito upang tumawag at magmakaawa sa inyo,

39. pakinggan ninyo sila mula sa langit na inyong tahanan at sila'y patawarin. Ibigay ninyo sa kanila ang nararapat sa kanilang mga gawa, sapagkat kayo lamang ang nakakaalam kung ano ang nasa puso ng mga tao.

40. Sa gayon, mananatili silang may takot sa inyo habang sila'y nabubuhay dito sa lupaing ibinigay ninyo sa aming mga ninuno.

41-42. “Kung ang isang dayuhan na mula pa sa malayong lugar na nakarinig ng kadakilaan ng inyong pangalan at mga kabutihang ginawa ninyo para sa inyong bayang Israel ay nanirahan sa bayang ito at nagsadya sa Templong ito upang manalangin,

43. pakinggan ninyo siya buhat sa langit na inyong tahanan, at ipagkaloob ang kanyang hinihiling. Sa gayon, makikilala ng lahat ng tao sa buong mundo ang inyong pangalan at sila'y sasamba sa inyo, tulad ng Israel. Malalaman nilang dito sa Templong ito na aking itinayo, ang inyong pangalan ay dapat sambahin.

44. “Kapag inutusan ninyo ang inyong bayan na makipagdigma sa kanilang mga kaaway bilang pagsunod sa inyong kalooban, kapag sila'y humarap sa lunsod na ito na inyong pinili, sa Templong ito na ipinatayo ko para sa inyong karangalan,

45. pakinggan ninyo sila at papagtagumpayin ninyo sila.

46. “Yahweh, ang lahat po ay nagkasala. Kung ang bayang ito'y magkasala sa inyo at dahil sa galit ninyo'y pinabayaan ninyo silang mabihag ng kanilang mga kaaway sa malayo o malapit man,

47. kung sa lupaing pinagdalhan sa kanila'y makilala nila ang kanilang kamalian at tanggapin nilang sila nga'y naging masama at nagkasala sa inyo,

48. sa sandaling sila'y magsisi at magbalik-loob sa inyo, at mula doo'y humarap sila sa lupaing kaloob sa kanilang mga ninuno, sa lunsod na ito na inyong pinili, sa Templong ito na ipinatayo ko sa inyong pangalan,

49. pakinggan ninyo sila mula sa tahanan ninyo sa langit at ipaglaban po ninyo sila.

50. Patawarin ninyo ang inyong bayan sa kanilang pagkakasala sa inyo. Loobin ninyong kahabagan sila ng mga kaaway na bumihag sa kanila,

51. sapagkat ito ang bayang inyong pinili at inilabas mula sa Egipto, ang lupaing tulad sa nagliliyab na hurno.

52. “Lagi ninyong lingapin ang bayang Israel; lagi ninyong pakinggan ang kanilang panawagan.

53. Kayo at wala nang iba pa ang pumili sa kanila mula sa lahat ng mga bansa sa buong mundo, upang sila'y maging inyo. Ito, Panginoong Yahweh, ang sinabi ninyo sa pamamagitan ni Moises nang hanguin ninyo sa Egipto ang aming mga ninuno.”

54. Nakaluhod si Solomon sa harap ng altar ni Yahweh at nakataas ang mga kamay samantalang nananalangin. Nang matapos ang kanyang pananawagan kay Yahweh,

55. tumayo siya at sa malakas na tinig ay binasbasan ang buong Israel na nagkakatipon doon.

56. “Purihin si Yahweh! Tinupad niyang lahat ang kanyang mga pangako, at binigyan ng kapayapaan ang bayan niyang Israel. Sa lahat niyang mga pangako kay Moises, wala isa mang nasira.

57. Sumaatin nawang lagi si Yahweh, ang ating Diyos, gaya ng ginawa niya sa ating mga ninuno. Huwag nawa niya tayong pabayaan o itakwil kailanman.