Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Hari 8:31-44 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

31. “Kapag nagkasala sa kanyang kapwa ang isang tao, at siya'y pinanumpa sa harap ng inyong altar sa Templong ito,

32. pakinggan ninyo sila buhat sa langit at kayo ang humatol sa kanila. Parusahan ninyo ang nagkasala at pagpalain ninyo ang walang kasalanan.

33. “Kapag natalo ng kanilang mga kaaway ang bayan ninyong Israel dahil sa pagtalikod nila sa inyo, sa sandaling magbalik-loob sila sa inyo, kumilala sa inyong kapangyarihan, nanalangin at nanawagan sa inyo sa Templong ito,

34. pakinggan ninyo sila at patawarin. Ibalik ninyo sila sa lupaing ibinigay ninyo sa kanilang mga ninuno.

35. “Kapag ang langit ay nagkait ng ulan sapagkat nagkasala sa inyo ang bayang Israel, kung sila'y manalangin sa Templong ito at magpuri sa inyong pangalan, kapag sila'y nagsisi sa kanilang kasalanan sa pagkakilalang iyon ang dahilan ng inyong pagpaparusa,

36. pakinggan ninyo sila, Yahweh. Patawarin ninyo ang inyong mga alipin, ang bayang Israel. Ituro ninyo sa kanila ang landas na dapat nilang lakaran. Ibuhos na ninyo ang ulan sa lupaing ibinigay ninyo sa inyong bayan.

37. “Kung lumaganap sa lupain ang gutom at salot, kung malanta at matuyo ang mga halaman, kung ang mga ito'y salantain ng uod at balang, kapag ang alinman sa kanilang lunsod ay kinubkob ng kaaway,

38. pakinggan ninyo ang kanilang dalangin. Sa sandaling sila'y magsisi at iunat ang kanilang mga kamay paharap sa lugar na ito upang tumawag at magmakaawa sa inyo,

39. pakinggan ninyo sila mula sa langit na inyong tahanan at sila'y patawarin. Ibigay ninyo sa kanila ang nararapat sa kanilang mga gawa, sapagkat kayo lamang ang nakakaalam kung ano ang nasa puso ng mga tao.

40. Sa gayon, mananatili silang may takot sa inyo habang sila'y nabubuhay dito sa lupaing ibinigay ninyo sa aming mga ninuno.

41-42. “Kung ang isang dayuhan na mula pa sa malayong lugar na nakarinig ng kadakilaan ng inyong pangalan at mga kabutihang ginawa ninyo para sa inyong bayang Israel ay nanirahan sa bayang ito at nagsadya sa Templong ito upang manalangin,

43. pakinggan ninyo siya buhat sa langit na inyong tahanan, at ipagkaloob ang kanyang hinihiling. Sa gayon, makikilala ng lahat ng tao sa buong mundo ang inyong pangalan at sila'y sasamba sa inyo, tulad ng Israel. Malalaman nilang dito sa Templong ito na aking itinayo, ang inyong pangalan ay dapat sambahin.

44. “Kapag inutusan ninyo ang inyong bayan na makipagdigma sa kanilang mga kaaway bilang pagsunod sa inyong kalooban, kapag sila'y humarap sa lunsod na ito na inyong pinili, sa Templong ito na ipinatayo ko para sa inyong karangalan,