Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Hari 6:19-36 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

19. Ang Dakong Kabanal-banalan na siyang kaloob-looban ng Templo ay inihanda niya upang paglagyan ng Kaban ng Tipan.

20. Siyam na metro ang haba, ang luwang, at ang taas ng Dakong Kabanal-banalan, at ito'y binalot niya ng lantay na ginto.

21. Sa harap ng Dakong Kabanal-banalan, nagtayo siya ng isang altar na yari sa tablang sedar at ito'y binalot din niya ng lantay na ginto.

22. Binalot din ni Solomon ng lantay na ginto ang buong loob ng Templo, pati ang altar sa Dakong Kabanal-banalan.

23. Sa loob ng Dakong Kabanal-banalan, nagpalagay siya ng dalawang kerubin, imaheng nililok sa kahoy na olibo. Apat at kalahating metro ang taas ng bawat isa.

24. Kulang na dalawa't kalahating metro ang haba ng bawat pakpak, kaya't apat at kalahating metro ang sukat ng mga pakpak buhat sa magkabilang dulo.

25. Apat at kalahating metro rin ang sukat ng pangalawang kerubin, iisa ang sukat at hugis ng dalawa.

26. Apat at kalahating metro rin ang taas ng bawat kerubin.

27. Inilagay niya ang mga kerubin sa gitna ng Dakong Kabanal-banalan. Nakabuka ang kanilang mga pakpak, at sa gawing labas ay abot sa dingding ng silid ang tig-isa nilang pakpak. Sa gawing loob naman, ang mga dulo ng tig-isa nilang pakpak ay nagtagpo sa gitna ng silid.

28. Balot din ng gintong lantay ang dalawang kerubin.

29. Ang buong dingding ng Templo, maging sa Dakong Kabanal-banalan at sa Dakong Banal ay may ukit na mga kerubin, punong palma at mga bulaklak.

30. Ang sahig ng Templo buhat sa Dakong Kabanal-banalan hanggang sa Dakong Banal ay may balot na gintong lantay.

31. May limang sulok ang pinto ng Dakong Kabanal-banalan, at kahoy na olibo ang mga hamba niyon.

32. Tablang olibo rin ang dalawang pangsara, at may ukit itong imahen ng mga kerubin, punong palma at mga bulaklak. Ang mga pangsara'y may kalupkop na gintong kapit na kapit sa mga nakaukit na larawan.

33. Parihaba naman ang pintuan ng Dakong Banal. Kahoy na olibo ang mga hamba ng pintong iyon,

34. at tablang sipres naman ang mga pinto. Bawat pinto ay may tigalawang panig na natitiklop.

35. May ukit ding mga kerubin, punong palma at mga bulaklak ang mga pinto, at may kalupkop na gintong lapat na lapat sa mga ukit.

36. Ang bulwagang panloob sa harap ng Templo ay binakuran ni Solomon ng pader na may tatlong hanay ng batong tinabas, at isang hanay na bigang sedar.