Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Hari 3:10-19 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

10. Dahil ito ang hiniling ni Solomon, nalugod sa kanya si Yahweh

11. at sinabi sa kanya, “Dahil hindi ka humiling para sa iyong sarili ng mahabang buhay, o kayamanan, o kamatayan ng iyong mga kaaway, kundi ang hiniling mo'y karunungang kumilala ng mabuti sa masama,

12. ibibigay ko sa iyo ang hiniling mo. Bibigyan kita ng karunungan na walang kapantay, maging sa mga nauna o sa mga susunod pa sa iyo.

13. Ibibigay ko rin sa iyo ang mga bagay na hindi mo hiningi: kayamanan at karangalang hindi mapapantayan ng sinumang hari sa buong buhay mo.

14. At kung mamumuhay ka ayon sa aking kalooban, kung susundin mo ang aking mga batas at mga utos, tulad ng ginawa ng iyong amang si David, pagkakalooban pa kita ng mahabang buhay.”

15. Nagising si Solomon at noon niya nalaman na siya'y kinausap ni Yahweh sa panaginip. Pagbalik niya sa Jerusalem, pumunta siya sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh, at nag-alay ng mga handog na susunugin at mga handog para sa kapayapaan. Naghanda rin siya ng isang salu-salo para sa kanyang mga tauhan.

16. Isang araw, nagpunta sa hari ang dalawang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw.

17. Ang sabi ng isa, “Mahal na hari, kami po ng babaing ito ay nakatira sa iisang bahay. Nanganak po ako habang siya'y naroon.

18. Pagkalipas ng tatlong araw nanganak din ang babaing ito. Wala po kaming ibang kasama roon.

19. Isang gabi ay nadaganan po niya ang kanyang anak at ito'y namatay.