Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Hari 21:15-29 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

15. Pagkatanggap ng ganoong balita, nagpunta si Jezebel kay Ahab at sinabi, “Hayan! Kunin mo na ang ubasang hindi mo mabili kay Nabot. Hindi na siya makakatutol. Patay na siya.”

16. Nang malaman ni Ahab na patay na si Nabot, pumunta siya sa ubasan upang angkinin iyon.

17. Sinabi ni Yahweh kay Elias na taga-Tisbe,

18. “Puntahan mo agad si Haring Ahab sa Samaria. Makikita mo siya sa ubasan ni Nabot. Naroon siya upang kamkamin iyon.

19. Sabihin mo sa kanya, ‘Pagkatapos mong paslangin ang tao ay kukunin mo pati ang kanyang ari-arian? Kung saan hinimod ng mga aso ang dugo ni Nabot, doon din hihimurin ng mga aso ang iyong dugo.’”

20. Sinabi ni Ahab kay Elias, “Nakita mo na naman ako, aking kaaway.”Sagot naman sa kanya ni Elias, “Hinanap kita muli sapagkat nalulong ka na sa paggawa ng masama sa paningin ni Yahweh!

21. Malagim na parusa ang babagsak sa iyo. Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Itatakwil kita! Lilipulin ko ang mga anak mong lalaki, matanda at bata.

22. Paparusahan kita tulad ng ginawa ko sa angkan ni Jeroboam na anak ni Nebat, at sa angkan ni Baasa na anak ni Ahias sapagkat ginalit mo ako at hinimok mo ang Israel sa pagkakasala.’

23. Ito naman ang pahayag laban kay Jezebel: “Si Jezebel ay lalapain ng mga aso sa loob mismo ng Jezreel.”

24. Sinuman sa angkan ni Ahab ang mamatay sa bayan ay kakainin ng mga aso; sinumang mamatay sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.”

25. Dahil sa mga sulsol ni Jezebel, walang nakapantay sa mga kasamaang ginawa ni Ahab sa paningin ni Yahweh.

26. Ginawa niya ang mga mahahalay na kasalanan sa pamamagitan ng pagsamba niya sa mga diyus-diyosan, gaya ng mga Amoreo na pinalayas ni Yahweh noong pumasok ang bayang Israel sa lupaing iyon.

27. Nang marinig ni Ahab ang mga sinabi ng propeta, pinunit niya ang kanyang damit, nagsuot ng damit-panluksa kahit sa pagtulog. Nag-ayuno siya bilang tanda ng malaking kalungkutan.

28. Kaya't sinabi ni Yahweh kay Elias,

29. “Napansin mo ba kung paano nagpapakumbabá sa harapan ko si Ahab? Sapagkat nagpapakumbabá siya, hindi ko itutuloy ang parusa sa kanya habang siya'y nabubuhay. Ngunit pagkamatay niya, paparusahan ko ang kanyang angkan.”