Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Hari 20:14-29 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

14. “Sino ang sasalakay?” tanong ni Ahab.Sumagot ang propeta, “Ang mga kabataang kawal na nasa ilalim ng mga pinuno ng mga lalawigan.”“At sino ang mamumuno sa labanan?” tanong uli ni Ahab.“Kayo!” tugon ng propeta.

15. Tinipon nga ni Ahab ang mga kabataang kawal ng mga pinuno ng mga lalawigan, may 232 lahat-lahat. Pagkatapos, tinipon din niya ang hukbo ng Israel na may pitong libong kalalakihan.

16. Pagdating ng tanghaling-tapat, samantalang si Ben-hadad at ang tatlumpu't dalawang hari na kasama niya'y nag-iinuman sa kanilang tolda,

17. lumusob ang mga Israelita sa pangunguna ng mga kabataang kawal. May nagsabi kay Ben-hadad, “May lumalabas pong mga lalaki mula sa Samaria.”

18. At sumagot siya, “Hulihin sila nang buháy, anuman ang kanilang pakay, kapayapaan man o labanan!”

19. Sumalakay nga mula sa lunsod ang mga kabataang kawal, kasunod ang buong hukbo ng Israel.

20. Sa unang sagupaan ay napatay ng bawat isa ang kanyang kalaban, kaya't nagtakbuhan ang mga taga-Siria. Hinabol naman sila ng mga Israelita, ngunit nakatakas si Ben-hadad kasama ng ilang kawal na nakakabayo.

21. Lumabas naman si Haring Ahab at sumama sa paghabol sa mga taga-Siria. Pinuksa nila ang mga ito, at napakaraming kabayo at karwahe ang kanilang nasamsam.

22. Matapos ang labanang iyon, sinabihan muli ng propeta ang hari ng Israel. Wika niya, “Magdagdag pa kayo ng tauhan at ihanda ninyong mabuti ang inyong hukbo. Planuhin ninyong mabuti ang dapat gawin, sapagkat sa susunod na tagsibol ay muling sasalakay ang hari ng Siria.”

23. Pinayuhan din ng kanyang mga opisyal ang hari ng Siria, at kanilang sinabi, “Mga diyos ng kabundukan ang kanilang diyos, kaya tayo natalo. Ngunit labanan natin sila sa kapatagan at tiyak na matatalo sila.

24. Ganito po ang inyong gawin: alisin ninyo sa kanilang tungkulin sa hukbo ang mga haring kasama ninyo, at palitan ninyo ng mga pinunong-kawal.

25. Bumuo kayo ng isang hukbong sinlaki ng dati, na may gayunding dami ng kabayo at karwahe. Sa kapatagan natin sila labanan at ngayo'y tiyak na magtatagumpay tayo.” Nakinig ang hari sa kanilang payo at ganoon nga ang ginawa.

26. Pagsapit ng tagsibol, tinipon ni Ben-hadad ang hukbo ng Siria at nagtungo sa Afec upang lusubin ang Israel.

27. Nagtipun-tipon din naman ang mga Israelita at naghanda upang salubungin ang kalaban. Nagdalawang pangkat sila, at nagtayo ng kampo sa tapat ng mga iyon. Parang dalawang kawan lang ng kambing ang hukbo ng Israel, samantalang halos matakluban ng hukbo ng Siria ang pook na iyon.

28. Lumapit muli sa hari ng Israel ang lingkod ng Diyos at sinabi sa kanya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Sapagkat sinabi ng mga taga-Siria na ako ay Diyos ng kabundukan at hindi Diyos ng kapatagan, ipapalupig ko sa iyo ang hukbong iyan sa kabila ng kanilang dami at lakas. Makikita ninyo ngayon na ako nga si Yahweh.’”

29. Pitong araw silang nagmanman sa isa't isa. Nagsimula ang labanan sa ikapitong araw, at sa araw na iyon sandaang libong kawal ang napatay sa hukbo ng Siria. Tumakas ang natirang buháyat pumasok sa Lunsod ng Afec.