Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Hari 2:8-21 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

8. “Huwag mo ring kalilimutan si Simei na taga-Bahurim, ang anak ni Gera na mula sa lipi ni Benjamin. Pinagmumura niya ako noong ako'y umalis patungo sa Mahanaim. Nang masalubong ko siya sa Jordan, ipinangako ko sa pangalan ni Yahweh na hindi ko siya papatayin.

9. Ngunit tiyakin mong siya'y mapaparusahan. Matalino kang tao at alam mo ang dapat gawin. Iparanas mo sa kanya ang lupit ng kamatayan.”

10. Namatay si Haring David at inilibing sa Lunsod ni David.

11. Apatnapung taon siyang naghari: pitong taon sa Hebron at tatlumpu't tatlong taon naman sa Jerusalem.

12. Kaya't nang maupo na si Solomon sa trono ni David bilang bagong hari, matatag na ang kanyang kaharian.

13. Samantala, nilapitan naman ni Adonias na anak ni Haguit ang ina ni Solomon na si Batsheba.“Kapayapaan ba ang pakay mo?” tanong ni Batsheba.“Opo! Kapayapaan po!” tugon ni Adonias,

14. at idinugtong niya, “May sasabihin po ako sa inyo!”“Magpatuloy ka,” sagot ni Batsheba.

15. Nagsalita si Adonias, “Alam po naman ninyo, na ako sana ang naging hari; ito ang inaasahan ng bayan. Ngunit nawala sa akin ang korona at napunta sa aking kapatid, sapagkat iyon ang kagustuhan ni Yahweh.

16. Mayroon po akong hihilingin sa inyo. Huwag ninyo sanang ipagkakait sa akin!”“Sabihin mo,” wika uli ni Batsheba.

17. At nagpatuloy si Adonias, “Alam ko pong hindi siya makakatanggi sa inyo, maaari po bang hingin ninyo sa Haring Solomon na ipagkaloob sa akin na maging asawa ko si Abisag, ang dalagang taga-Sunem?”

18. “Sige! Kakausapin ko ang hari,” sagot ni Batsheba.

19. Kaya't pumunta si Batsheba kay Haring Solomon upang sabihin ang kahilingan ni Adonias. Tumayo ang hari upang siya'y salubungin, yumuko sa kanya, at saka naupo sa kanyang trono. Nagpakuha ng isa pang trono, inilagay sa kanyang kanan at doon pinaupo ang ina.

20. “Mayroon akong isang maliit na kahilingan sa iyo, anak! Huwag mo sana akong tatanggihan,” sabi ng ina.Sumagot ang hari, “Mahal kong ina, sabihin ninyo! Alam ninyong hindi ko kayo matatanggihan!”

21. Kaya't nagpatuloy si Batsheba: “Ipahintulot mong si Abisag, ang dalagang taga-Sunem, ay maging asawa ng kapatid mong si Adonias.”