Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Hari 2:12-27 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

12. Kaya't nang maupo na si Solomon sa trono ni David bilang bagong hari, matatag na ang kanyang kaharian.

13. Samantala, nilapitan naman ni Adonias na anak ni Haguit ang ina ni Solomon na si Batsheba.“Kapayapaan ba ang pakay mo?” tanong ni Batsheba.“Opo! Kapayapaan po!” tugon ni Adonias,

14. at idinugtong niya, “May sasabihin po ako sa inyo!”“Magpatuloy ka,” sagot ni Batsheba.

15. Nagsalita si Adonias, “Alam po naman ninyo, na ako sana ang naging hari; ito ang inaasahan ng bayan. Ngunit nawala sa akin ang korona at napunta sa aking kapatid, sapagkat iyon ang kagustuhan ni Yahweh.

16. Mayroon po akong hihilingin sa inyo. Huwag ninyo sanang ipagkakait sa akin!”“Sabihin mo,” wika uli ni Batsheba.

17. At nagpatuloy si Adonias, “Alam ko pong hindi siya makakatanggi sa inyo, maaari po bang hingin ninyo sa Haring Solomon na ipagkaloob sa akin na maging asawa ko si Abisag, ang dalagang taga-Sunem?”

18. “Sige! Kakausapin ko ang hari,” sagot ni Batsheba.

19. Kaya't pumunta si Batsheba kay Haring Solomon upang sabihin ang kahilingan ni Adonias. Tumayo ang hari upang siya'y salubungin, yumuko sa kanya, at saka naupo sa kanyang trono. Nagpakuha ng isa pang trono, inilagay sa kanyang kanan at doon pinaupo ang ina.

20. “Mayroon akong isang maliit na kahilingan sa iyo, anak! Huwag mo sana akong tatanggihan,” sabi ng ina.Sumagot ang hari, “Mahal kong ina, sabihin ninyo! Alam ninyong hindi ko kayo matatanggihan!”

21. Kaya't nagpatuloy si Batsheba: “Ipahintulot mong si Abisag, ang dalagang taga-Sunem, ay maging asawa ng kapatid mong si Adonias.”

22. Sumagot si Haring Solomon sa kanyang ina, “At bakit po ninyo hiniling si Abisag para kay Adonias? Bakit hindi rin ninyo hilinging ibigay ko sa kanya ang trono, sapagkat siya'y nakatatanda kong kapatid; at ang paring si Abiatar, pati si Joab na anak ni Zeruias ay nasa kanyang panig.”

23. Nanumpa noon si Haring Solomon, “Parusahan nawa ako ni Yahweh kapag hahayaan ko pang mabuhay si Adonias dahil sa ginawa niyang ito!

24. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy na naglagay sa akin sa trono ng aking amang si David, at nangakong mananatiling maghahari sa Israel ang aming lahi; sa araw ding ito'y mamamatay si Adonias.”

25. Kaya't iniutos niya kay Benaias na patayin si Adonias, at ganoon nga ang nangyari.

26. Tungkol naman sa paring si Abiatar, siya'y pinagsabihan ng hari, “Pumunta ka sa lupain mo sa Anatot. Dapat ka sanang mamatay. Ngunit hindi kita ipapapatay sa araw na ito alang-alang sa pangangasiwa mo sa Kaban ng Tipan ng Panginoong Yahweh nang kasama ka pa ng aking amang si David, at sa pakikisama mo sa kanya sa mga hirap na kanyang dinanas.”

27. Ngunit tinanggal ni Solomon si Abiatar sa pagkapari ni Yahweh. Sa gayong paraan, natupad ang sinabi ni Yahweh sa Shilo tungkol sa angkan ni Eli.