Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Hari 18:32-46 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

32. Ang mga bato'y ginawa niyang altar para kay Yahweh. Pinaligiran niya iyon ng isang kanal na maaaring maglaman ng dalawang baldeng tubig.

33. Isinalansan niya ang mga kahoy, kinatay ang toro at ipinatong sa kahoy. Pagkatapos, sinabi niya, “Kumuha kayo ng apat na bangang tubig at ibuhos sa handog at sa kahoy.” Ganoon nga ang ginawa nila.

34. “Buhusan pa ninyo,” sabi ni Elias. At binuhusan nila. “Isa pang buhos,” utos uli ni Elias. Tatlong beses nga nilang binuhusan ang handog hanggang sa

35. umagos ang tubig sa paligid ng altar at umapaw sa kanal.

36. Nang ikatlo na ng hapon na siyang oras ng paghahandog, tumayo si Elias sa harap ng altar at nanalangin, “Yahweh, Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob, patunayan po ninyo ngayon na talagang kayo ang Diyos ng Israel, at ako ay inyong lingkod, at ginawa ko ang lahat ng ito sapagkat ito ang inyong utos.

37. Pakinggan po ninyo ako, Yahweh, upang malaman ng bayang ito na kayo lang ang Diyos at nais ninyo silang magbalik-loob.”

38. Noon di'y nagpababa ng apoy si Yahweh at tinupok ang handog, ang kahoy at ang mga bato at lupa sa paligid. Pati ang tubig sa kanal ay natuyo.

39. Nang makita ng mga tao ang nangyari, nagpatirapa sila at sumigaw, “Si Yahweh ang Diyos! Si Yahweh lang ang Diyos!”

40. Iniutos ni Elias, “Hulihin ninyo ang mga propeta ni Baal; huwag ninyong hayaang may makatakas sa kanila!” Hinuli nga sila ng mga mamamayan at dinala ni Elias sa batis ng Kison, at pinagpapatay doon.

41. Sinabi ni Elias kay Ahab, “Lumakad ka na! Maaari ka nang kumain at uminom. Naririnig ko na ang pagbuhos ng ulan.”

42. Samantalang si Ahab ay kumakain at umiinom, umakyat si Elias sa taluktok ng Bundok Carmel at sumubsob sa lupa.

43. Sinabi niya sa kanyang utusan, “Umakyat ka at tanawin mo ang dagat.”Umakyat nga ang utusan at tumanaw sa dagat. “Wala po akong makitang anuman,” wika ng utusan.“Pitong beses mo pang gawin ang sinabi ko,” utos ni Elias.

44. Sa ikapitong pagtanaw, napasigaw ang utusan, “May nakikita po akong ulap kasinlaki ng palad na tumataas mula sa dagat.”“Magmadali ka!” sabi ni Elias. “Sabihin mo kay Ahab na ihanda ang kanyang karwahe at umuwi na agad. Baka siya'y hindi makaalis dahil sa ulan.”

45. Hindi nagtagal at nagdilim ang langit sa kapal ng ulap, lumakas ang hangin at biglang bumuhos ang malakas na ulan. Sumakay si Ahab sa karwahe at nagmamadaling nagtungo sa Jezreel.

46. Lumukob kay Elias ang kapangyarihan ni Yahweh. Hinigpitan ni Elias ang pagkatali sa kanyang damit at tumakbo sa unahan ng karwahe ni Ahab hanggang sa pagpasok sa Jezreel.