Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Hari 18:16-31 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

16. Hinanap nga ni Obadias si Ahab at sinabi ang lahat ng ipinapasabi ni Elias. At lumakad si Ahab upang salubungin ang propeta.

17. Nang makita ni Ahab si Elias ay sinabi nito, “Ikaw nga ba iyan, ang nanggugulo sa Israel?”

18. “Hindi ako ang nanggugulo sa Israel, kundi kayo at ang angkan ng inyong ama. Sapagkat sinusuway ninyo ang mga utos ni Yahweh at ang pinaglilingkuran ninyo'y ang mga imahen ni Baal.

19. Ngayo'y tipunin ninyo ang buong Israel at ang 450 propeta ni Baal at 400 propeta ni Ashera na pinapakain ni Jezebel, at magtutuos kami sa Bundok ng Carmel,” sagot ni Elias.

20. Tinipon nga ni Ahab sa Bundok ng Carmel ang buong bayang Israel at ang mga propeta ni Baal.

21. Lumapit si Elias at sinabi sa taong-bayan, “Hanggang kailan pa kayo mag-aalinlangan? Kung si Yahweh ang tunay na Diyos, siya ang sundin ninyo; at kung si Baal naman, kay Baal kayo maglingkod.” Hindi umimik ang bayan.

22. Muling nagsalita si Elias, “Ako na lang ang natitira sa mga propeta ni Yahweh, samantalang may apatnaraan at limampu ang mga propeta ni Baal.

23. Magdala kayo rito ng dalawang toro. Hayaan ninyong ang isa sa mga ito ay patayin ng mga propeta ni Baal, at pagkatapos ay katayin at ilagay sa ibabaw ng mga kahoy. Huwag ninyong sisindihan. Gayundin naman ang gagawin ko sa isa pang toro.

24. Pagkatapos, tawagin ninyo ang inyong diyos at tatawagin ko naman si Yahweh. Ang diyos na tumugon sa pamamagitan ng apoy, ang siyang tunay na Diyos.”At sumagot ang bayan, “Sang-ayon kami!”

25. Sinabi naman ni Elias sa mga propeta ni Baal, “Sapagkat kayo ang marami, pumili na kayo ng isang toro at ihanda na ninyo. Pagkatapos, tawagin ninyo ang inyong diyos, ngunit huwag ninyong sisindihan ang kahoy.”

26. Kinuha nga nila ang isa sa mga toro at inihanda ito. Mula umaga hanggang tanghali, tinawagan nila si Baal. “Baal, Baal, pakinggan mo kami,” sigaw nila, samantalang pasayaw-sayaw sa paligid ng altar na itinayo nila. Ngunit walang sumasagot.

27. Nang katanghalian na'y hinamak na sila ni Elias. Sabi niya, “Lakasan pa ninyo! Isa siyang diyos, di ba? Baka nagbubulay-bulay pa siya, o kaya'y nasa palikuran! O baka naman may pinuntahan lang. O baka natutulog kaya't kailangang gisingin!”

28. Lalo nga nilang inilakas ang kanilang sigaw. Hiniwaan pa nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kutsilyo at punyal tulad ng kanilang kaugalian hanggang sa maging duguan sila.

29. Patuloy silang nagsigawan at nag-ungulan hanggang inabot sila ng hapon ngunit wala pa ring tinig o anumang sagot.

30. Nagsalita si Elias sa buong bayan, “Lumapit kayo sa akin.” At nagsilapit ang lahat. Inayos niya ang altar ni Yahweh na matagal nang gumuho.

31. Kumuha siya ng labindalawang bato, katumbas ng bilang ng mga lipi ni Jacob na binigyan ni Yahweh ng pangalang Israel.