Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Hari 17:1-10 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Si Elias ay isang propetang taga-Tisbe sa Gilead. Sinabi niya kay Ahab, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Diyos ng Israel na aking pinaglilingkuran, hindi uulan, ni hindi magkakahamog sa mga darating na taon hangga't hindi ko sinasabi.”

2. Pagkatapos, sinabi ni Yahweh kay Elias,

3. “Umalis ka rito at magtago ka sa batis ng Carit, sa silangan ng Jordan.

4. Maiinom mo ang tubig sa batis at may inutusan akong mga uwak na maghahatid sa iyo ng pagkain.”

5. Sinunod nga ni Elias ang sinabi ni Yahweh. Lumakad siya at nanirahan sa may batis ng Carit, sa silangan ng Jordan.

6. Umaga't hapon, may mga uwak na nagdadala sa kanya ng pagkain, at sa batis naman siya umiinom.

7. Ngunit dumating ang panahon na natuyo na rin ang batis.

8. Kaya sinabi sa kanya ni Yahweh,

9. “Umalis ka rito. Pumunta ka sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. May inutusan akong isang biyuda na magpapakain sa iyo roon.”

10. Pumunta nga siya roon, at nang papasok na siya ng pintuan ng lunsod, nakita niya ang biyuda na namumulot ng panggatong. Sinabi niya sa babae, “Maaari po bang makiinom?”