Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Hari 16:15-31 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

15. Naging hari naman ng Israel si Zimri noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Naghari siya sa Tirza sa loob lamang ng pitong araw. Pinalibutan at nilusob noon ng hukbong Israel ang lunsod ng Gibeton sa Filistia at nang

16. mabalitaan nila ang pagtataksil ni Zimri at ang pagkamatay ng hari, pinagkaisahan nilang gawing hari si Omri, ang pinuno ng hukbo.

17. Iniwan nga nila ang Gibeton, at kinubkob ang Tirza.

18. Nang makita ni Zimri na mahuhulog na ang bayan sa kamay ng kalaban, nagkulong siya sa kastilyo ng palasyo at sinindihan iyon. Kaya't kasama siyang nasunog doon.

19. Nangyari ito sapagkat hindi rin kinalugdan ni Yahweh ang mga ginawa ni Zimri. Ibinunsod niya ang Israel sa pagkakasala tulad ng ginawa ni Jeroboam.

20. Ang iba pang ginawa ni Zimri, pati ang kanyang pakikipagsabwatan upang agawin ang trono, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.

21. Pagkamatay ni Zimri, nahati ang Israel sa dalawang pangkat. Pumanig ang isa kay Omri, ngunit si Tibni na anak ni Ginat ang pinili ng ikalawa.

22. Ngunit nagtagumpay din ang pangkat ni Omri. Napatay si Tibni, at si Omri ang naging hari.

23. Si Omri ay naging hari ng Israel noong ika-31 taon ng paghahari ni Asa sa Juda at labindalawang taon siyang naghari. Tumira siya sa Tirza sa loob ng anim na taon.

24. Pagkatapos, binili niya kay Semer ang isang bundok sa halagang pitumpung kilong pilak. Nagtayo siya roon ng isang lunsod na tinawag niyang Samaria, hango sa salitang Semer, pangalan ng binilhan niya ng bundok.

25. Ginawa rin ni Omri ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Naging masahol pa nga siya sa mga nauna sa kanya.

26. Tumulad siya kay Jeroboam na anak ni Nebat. Ibinunsod din niya ang mga Israelita sa pagsamba sa mga diyus-diyosan, kaya't nagalit sa kanila si Yahweh.

27. Ang iba pang ginawa ni Omri at ang kanyang katapangan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.

28. Namatay si Omri at inilibing sa Samaria. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Ahab.

29. Nagsimulang maghari sa Israel si Ahab na anak ni Omri noong ika-38 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Sa Samaria siya nanirahan, at naghari sa loob ng dalawampu't dalawang taon.

30. Higit sa lahat ng nauna sa kanya ang kasamaang ginawa niya sa paningin ni Yahweh.

31. Hindi pa siya nasiyahang ipagpatuloy ang ginawa ni Jeroboam. Pinakasalan din niya si Jezebel na anak ni Et-baal, hari ng Sidon. At mula noon, naglingkod siya at sumamba kay Baal.