Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Hari 15:19-34 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

19. “Nais kong maging magkakampi tayo tulad ng ating mga magulang. Tanggapin mo ang mga regalo kong ito. Hinihiling kong putulin mo ang iyong pakikipagkaibigan kay Baasa na hari ng Israel upang mapilitan siyang umalis sa aking nasasakupan.”

20. Sumang-ayon si Ben-hadad kay Haring Asa at nagpadala siya ng mga hukbo at ng mga pinuno nito upang salakayin ang mga lunsod ng Israel. Nasakop nila ang mga bayan ng Ijon, Dan, Abel-bet-maaca, ang lupain sa may Lawa ng Galilea at ang Neftali.

21. Nang mabalitaan ito ni Baasa, ipinatigil niya ang pagpapagawa ng kuta sa Rama at pumunta siya sa Tirza.

22. Iniutos naman ni Asa sa lahat ng mga taga-Juda na kunin ang mga bato at kahoy na ginamit ni Baasa sa pagtatayo ng kuta sa Rama, at ginamit iyon sa paggawa ng kuta sa Geba at Mizpah, sa lupain ng Benjamin.

23. Ang iba pang ginawa ni Haring Asa, ang kanyang kagitingan at mga bayang pinagawan niya ng kuta ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Ngunit nang siya'y matanda na, nalumpo siya dahil sa karamdaman sa paa.

24. Namatay si Asa at inilibing sa libingan ng mga hari sa Lunsod ni David. At si Jehoshafat na kanyang anak ang humalili sa kanya bilang hari.

25. Nang ikalawang taon ng paghahari ni Asa sa Juda, naging hari naman sa Israel si Nadab na anak ni Jeroboam, at dalawang taon siyang naghari sa Israel.

26. Katulad ng kanyang ama na nagbulid sa Israel sa pagkakasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.

27. Naghimagsik laban sa kanya si Baasa na anak ni Ahias, mula sa lipi ni Isacar. Pinatay ni Baasa si Nadab habang kinubkob nito at ng kanyang hukbo ang Gibeton, isang lunsod sa Filistia.

28. Nangyari ito nang ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda, at si Baasa ang pumalit kay Nadab bilang hari sa Israel.

29. Sa simula pa lamang ng kanyang paghahari ay pinagpapatay na niya ang buong pamilya ni Jeroboam, bilang katuparan ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni propeta Ahias na taga-Shilo.

30. Ganito ang nangyari sa angkan ni Jeroboam sapagkat ginalit niya si Yahweh dahil sa kanyang mga kasalanan, at sa mga kasalanang ginawa ng bayang Israel dahil sa kanya.

31. Ang iba pang mga ginawa ni Nadab ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.

32. Patuloy ang alitan ni Asa, hari ng Juda at ni Baasa ng Israel sa buong panahon ng kanilang paghahari.

33. Ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda nang maghari sa Israel si Baasa, na anak ni Ahias. Dalawampu't apat na taon siyang naghari, at sa Tirza siya nanirahan.

34. Katulad ni Haring Jeroboam na nagbulid sa Israel sa pagkakasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.