Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Hari 14:6-15 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

6. Subalit nang marinig ni Ahias na nasa may pintuan na ang babae, sinabi niya, “Tuloy kayo, asawa ni Jeroboam. Bakit pa kayo nagkukunwari? Mayroon akong masamang balita para sa inyo.

7. Bumalik kayo kay Jeroboam at sabihin ninyo, ‘Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Pinili kita mula sa mga sambayanan at ginawang pinuno ng aking bayang Israel.

8. Inalis ko sa sambahayan ni David ang malaking bahagi ng kaharian at ibinigay sa iyo. Ngunit hindi ka tumulad kay David na aking lingkod. Tinupad niya ang lahat kong iniutos, sinunod niya ako nang buong-puso, at wala siyang ginawa kundi ang kalugud-lugod sa aking paningin.

9. Higit ang ginawa mong kasamaan kaysa ginawa ng lahat ng mga nauna sa iyo. Tinalikuran mo ako at ginalit nang magpagawa ka ng sarili mong mga diyos, mga imaheng yari sa tinunaw na metal.

10. Dahil dito paparusahan ko ang iyong angkan. Lilipulin ko silang lahat, matanda at bata. Wawalisin kong parang dumi ang buong angkan mo mula sa Israel.

11. Sinumang kamag-anak mo na mamatay sa loob ng lunsod ay kakainin ng mga aso; ang mamatay naman sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.’ Ito ang sabi ni Yahweh.

12. “Ngayon, umuwi na kayo. Pagpasok na pagpasok ninyo sa bayan ay mamamatay ang inyong anak.

13. Ipagluluksa siya ng buong Israel at ihahatid sa kanyang libingan. Siya lamang sa buong angkan ni Jeroboam ang maihahatid sa libingan sapagkat siya lamang ang kinalugdan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.

14. Ang Israel ay bibigyan ng Diyos ng ibang hari na siyang magwawakas sa paghahari ng angkan ni Jeroboam.

15. Paparusahan ni Yahweh ang bayang Israel hanggang sa ito'y manginig na parang tambo sa tubig na pinapaspas ng hangin. Parang punong bubunutin niya ang bayang Israel mula sa masaganang lupaing ito na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno. Magkakawatak-watak sila sa mga lupaing nasa kabila ng ilog sapagkat ginalit nila si Yahweh nang gumawa sila ng mga imahen ng diyus-diyosang si Ashera.