Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Hari 14:15-31 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

15. Paparusahan ni Yahweh ang bayang Israel hanggang sa ito'y manginig na parang tambo sa tubig na pinapaspas ng hangin. Parang punong bubunutin niya ang bayang Israel mula sa masaganang lupaing ito na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno. Magkakawatak-watak sila sa mga lupaing nasa kabila ng ilog sapagkat ginalit nila si Yahweh nang gumawa sila ng mga imahen ng diyus-diyosang si Ashera.

16. Pababayaan ni Yahweh ang Israel dahil sa mga kasalanang ginawa ni Jeroboam at sa mga kasalanang ipinagawa nito sa bayang Israel.”

17. Nagmamadaling umalis ang asawa ni Jeroboam at nagbalik sa Tirza. Pagdating niya sa pintuan ng kanilang bahay, namatay ang bata.

18. Siya'y ipinagluksa at inilibing ng buong bayang Israel, tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni propeta Ahias.

19. Ang iba pang mga ginawa ni Jeroboam—ang kanyang mga pakikidigma at kung paano siya naghari ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.

20. Naghari siya sa loob ng dalawampu't dalawang taon. Namatay siya at inilibing, at si Nadab na kanyang anak ang humalili sa kanya bilang hari.

21. Naghari naman sa Juda si Rehoboam na anak ni Solomon. Apatnapu't isang taóng gulang siya nang nagsimulang maghari. Labimpitong taon siyang naghari sa Jerusalem, sa lunsod na pinili ni Yahweh mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang doo'y sambahin siya. Ang pangalan ng kanyang ina ay Naama, isang taga-Ammon.

22. Gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh ang sambayanan ng Juda at higit na masama ang kanilang ginawa kaysa kanilang mga ninuno. Dahil dito'y nagalit sa kanila si Yahweh.

23. Nagtayo sila ng mga sambahan, mga haliging bato, at mga larawan ni Ashera sa ibabaw ng bawat burol at sa lilim ng bawat mayabong na punongkahoy.

24. Ang pinakamasama pa nito, may mga lalaki at babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa templo bilang pagsamba. Ginawa ng mga taga-Juda ang mga kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ni Yahweh mula sa lupain noong pumasok doon ang mga Israelita.

25. Nang ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam, sinalakay ni Shishak na hari ng Egipto ang Lunsod ng Jerusalem.

26. Kinuha niya ang mga kayamanan sa Templo ni Yahweh at sa palasyo ng hari. Sinamsam niyang lahat, pati ang mga gintong kalasag na ipinagawa ni Solomon.

27. Pinalitan ni Rehoboam ang mga iyon ng mga kalasag na tanso, at inilagay sa pag-iingat ng mga pinuno ng bantay sa hari na nagbabantay sa pintuan ng palasyo.

28. Tuwing pupunta ang hari sa Templo ni Yahweh, dala ng mga bantay ang mga kalasag na iyon. Pagkatapos, ibinabalik ang mga kalasag sa himpilan ng mga bantay.

29. Ang ibang mga ginawa ni Rehoboam ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda.

30. Patuloy ang labanan ni Rehoboam at ni Jeroboam sa panahon ng kanilang paghahari.

31. Namatay si Rehoboam at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno sa Lunsod ni David. Ang ina niya'y isang Ammonita na ang pangala'y Naama. Humalili sa kanya si Abiam na kanyang anak.