Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Hari 13:21-33 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

21. Kaya't sumigaw siya sa propetang galing sa Juda, “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Sinuway mo ang aking utos;

22. bumalik ka sa iyong dinaanan at kumain ka at uminom dito sa lugar na ipinagbawal ko sa iyo. Dahil dito, ang bangkay mo ay hindi malilibing sa libingan ng iyong mga magulang.’”

23. Nang sila'y makakain, naghanda ang matandang propeta ng asnong masasakyan ng propetang galing sa Juda.

24. Sa kanyang pag-uwi, nakasalubong niya ang isang leon sa daan at siya'y pinatay nito. Nahandusay ang kanyang bangkay sa tabi ng daan at binantayan ng leon at ng asno.

25. May mga taong napadaan doon, at nakita nila ang bangkay sa tabi ng daan at ang leong nakabantay. Ibinalita nila sa bayan ang kanilang nakita, at nakarating ang balita sa matandang propeta.

26. Nang marinig niya ang nangyari ay kanyang sinabi, “Iyon ang propeta ng Diyos na lumabag sa iniutos sa kanya ni Yahweh. Kaya't pinabayaan siya ni Yahweh na makasalubong at lapain ng leon.”

27. Pagkatapos, inutusan niya ang kanyang mga anak na lalaki na ipaghanda siya ng asnong masasakyan.

28. Umalis siya at nadatnan ang bangkay sa tabi ng daan. Nakabantay sa tabi ng bangkay ang asno at ang leon. Hindi nito kinain ang bangkay at hindi rin nito ginalaw ang asno.

29. Isinakay ng matandang propeta ang bangkay sa kanyang asno at ibinalik sa bayan upang ipagluksa at ilibing.

30. Sa sariling libingan ng propeta inilibing ang bangkay ng propeta ng Diyos. “Kawawa ka naman, kapatid!” panaghoy niya.

31. Nang mailibing ang bangkay, sinabi ng propeta sa kanyang mga anak na lalaki, “Kapag ako'y namatay, dito rin ninyo ako ililibing, katabi ng kanyang mga buto.

32. Sapagkat matutupad ang mga sinabi niya, sa utos ni Yahweh, laban sa altar ng Bethel at laban sa lahat ng sagradong burol ng Samaria.”

33. Sa kabila ng ganitong mga pangyayari, hindi tumigil si Jeroboam sa kanyang masamang gawain. Patuloy pa rin siya sa paglalagay ng mga paring hindi mula sa lipi ni Levi. Sinumang may gusto ay ginagawa niyang pari ng mga sagradong burol.