Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Hari 12:5-18 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

5. Sumagot si Rehoboam, “Bigyan ninyo ako ng tatlong araw upang mapag-aralan ang bagay na ito, at pagkatapos bumalik kayo.” Kaya umalis muna ang mga tao.

6. Sumangguni si Rehoboam sa matatandang tagapayo na naglingkod kay Solomon nang ito'y nabubuhay pa. Itinanong niya sa kanila kung ano ang dapat niyang gawin.

7. At ganito ang sabi sa kanya ng matatanda: “Kapag pinagbigyan ninyo ang kanilang kahilingan at ipinakita ninyong handa kayong maglingkod sa kanila, kapag sila'y inyong pinakitunguhang mabuti, maglilingkod sila sa inyo habang panahon.”

8. Ngunit binale-wala ni Rehoboam ang payo ng matatanda. Sa halip, nagtanong siya sa mga kababata niya na ngayo'y naglilingkod sa kanya,

9. “Ano ang dapat kong isagot sa mga taong humihiling na pagaanin ko ang pasaning ipinataw sa kanila ng aking ama?”

10. Ganito naman ang payo nila: “Sabihin mo sa kanila na ang iyong ama ay naging mahina;

11. at daragdagan mo pa ang pahirap na kanyang ipinapasan sa kanila; at kung sila'y hinagupit niya ng latigo, hahagupitin mo naman sila ng mga panghampas na may tinik na bakal.”

12. Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik si Jeroboam at ang mga tao, ayon sa iniutos sa kanila ng hari.

13. Salungat sa payo ng matatanda, magaspang ang sagot na ibinigay ni Rehoboam sa mga tao.

14. Ang sinunod niya'y ang payo ng kabataan, kaya't sinabi niya, “Kung mabigat ang dalahing ipinapasan sa inyo ng aking ama, daragdagan ko pa iyan! Kung hinagupit niya kayo ng latigo, panghampas na may tinik na bakal ang ihahagupit ko sa inyo!”

15. Hindi nga pinakinggan ng hari ang karaingan ng bayan. Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ng propeta ni Yahweh na si Ahias kay Jeroboam na anak ni Nebat nang sila'y magkita sa Shilo.

16. Nang makita ng mga taong-bayan na ayaw silang pakinggan ng hari ay sinabi nila, “Umuwi na tayo, O Israel! Ano bang mapapala natin kay David? Ano bang nagawa para sa atin ng anak ni Jesse? Pabayaan na natin ang sambahayan ni David!”Umuwi na nga sa kani-kanilang tahanan ang sampung lipi ng Israel.

17. Ang mga naninirahan lamang sa mga lunsod ng Juda ang nanatiling sakop ni Rehoboam.

18. Pagkatapos, pinapunta niya sa sampung lipi si Adoniram, ang tagapangasiwa ng sapilitang pagtatrabaho, ngunit ito ay pinagbabato nila hanggang mamatay. Kaya't nagmamadaling sumakay si Rehoboam sa kanyang karwahe at tumakas patungo sa Jerusalem.