Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Hari 12:21-31 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

21. Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mga lipi ni Juda at ni Benjamin. Nakatipon siya ng 180,000 mga sanay na mandirigma upang digmain ang sampung lipi ni Israel at bawiin ang kanyang kaharian.

22. Subalit sinabi ni Yahweh kay Semaias na kanyang lingkod,

23. “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon at hari ng mga lipi ng Juda at Benjamin

24. na huwag na nilang digmain ang sampung lipi ng Israel. Hayaan na niyang makauwi ang bawat isa sa kanya-kanyang tahanan sapagkat ang nangyari ay aking kalooban.” Sinunod naman nila ang utos ni Yahweh at sila'y umuwi sa kani-kanilang mga tahanan.

25. Pinatibay ni Jeroboam ang Shekem sa kabundukan ng Efraim at doon siya pansamantalang nanirahan. Pagkatapos, lumipat siya sa Penuel.

26. Naisip ni Jeroboam na kung magpapatuloy ang dating kaugalian ng kanyang mga nasasakupan, malamang na manumbalik ang mga iyon sa angkan ni David. Ito ang sabi niya sa sarili,

27. “Kapag ang mga taong ito'y hindi tumigil ng pagpunta sa Templo ni Yahweh sa Jerusalem upang mag-alay ng mga handog, mahuhulog muli ang kanilang loob sa dati nilang pinuno, si Rehoboam na hari ng Juda, at ako'y kanilang papatayin.”

28. Kaya't matapos pag-isipan ang bagay na ito, gumawa siya ng dalawang guyang ginto at sinabi sa mga taong-bayan, “Huwag na kayong mag-abalang pumunta sa Jerusalem. Narito, bayang Israel, ang inyong diyos na naglabas sa inyo sa Egipto.”

29. Inilagay niya ang isa sa Bethel at ang isa nama'y sa Dan.

30. At ang bagay na ito'y naging sanhi ng pagkakasala ng Israel. May mga pumupunta sa Bethel upang sumamba at mayroon din sa Dan.

31. Nagtayo pa siya ng mga sambahan sa burol at naglagay ng mga paring hindi mula sa lipi ni Levi.