Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Hari 12:15-29 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

15. Hindi nga pinakinggan ng hari ang karaingan ng bayan. Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ng propeta ni Yahweh na si Ahias kay Jeroboam na anak ni Nebat nang sila'y magkita sa Shilo.

16. Nang makita ng mga taong-bayan na ayaw silang pakinggan ng hari ay sinabi nila, “Umuwi na tayo, O Israel! Ano bang mapapala natin kay David? Ano bang nagawa para sa atin ng anak ni Jesse? Pabayaan na natin ang sambahayan ni David!”Umuwi na nga sa kani-kanilang tahanan ang sampung lipi ng Israel.

17. Ang mga naninirahan lamang sa mga lunsod ng Juda ang nanatiling sakop ni Rehoboam.

18. Pagkatapos, pinapunta niya sa sampung lipi si Adoniram, ang tagapangasiwa ng sapilitang pagtatrabaho, ngunit ito ay pinagbabato nila hanggang mamatay. Kaya't nagmamadaling sumakay si Rehoboam sa kanyang karwahe at tumakas patungo sa Jerusalem.

19. Magmula noon, patuloy na naghimagsik ang sampung lipi ng Israel sa paghahari ng angkan ni David.

20. Nang marinig ng pinuno ng Israel na bumalik na si Jeroboam, siya'y ipinatawag nila sa kapulungan ng bayan at ginawang hari ng sampung lipi ng Israel. Ang lipi lamang ni Juda ang nanatili sa angkan ni David.

21. Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mga lipi ni Juda at ni Benjamin. Nakatipon siya ng 180,000 mga sanay na mandirigma upang digmain ang sampung lipi ni Israel at bawiin ang kanyang kaharian.

22. Subalit sinabi ni Yahweh kay Semaias na kanyang lingkod,

23. “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon at hari ng mga lipi ng Juda at Benjamin

24. na huwag na nilang digmain ang sampung lipi ng Israel. Hayaan na niyang makauwi ang bawat isa sa kanya-kanyang tahanan sapagkat ang nangyari ay aking kalooban.” Sinunod naman nila ang utos ni Yahweh at sila'y umuwi sa kani-kanilang mga tahanan.

25. Pinatibay ni Jeroboam ang Shekem sa kabundukan ng Efraim at doon siya pansamantalang nanirahan. Pagkatapos, lumipat siya sa Penuel.

26. Naisip ni Jeroboam na kung magpapatuloy ang dating kaugalian ng kanyang mga nasasakupan, malamang na manumbalik ang mga iyon sa angkan ni David. Ito ang sabi niya sa sarili,

27. “Kapag ang mga taong ito'y hindi tumigil ng pagpunta sa Templo ni Yahweh sa Jerusalem upang mag-alay ng mga handog, mahuhulog muli ang kanilang loob sa dati nilang pinuno, si Rehoboam na hari ng Juda, at ako'y kanilang papatayin.”

28. Kaya't matapos pag-isipan ang bagay na ito, gumawa siya ng dalawang guyang ginto at sinabi sa mga taong-bayan, “Huwag na kayong mag-abalang pumunta sa Jerusalem. Narito, bayang Israel, ang inyong diyos na naglabas sa inyo sa Egipto.”

29. Inilagay niya ang isa sa Bethel at ang isa nama'y sa Dan.