Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Cronica 9:25-43 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

25. Ang mga kamag-anak nila sa mga nayon sa paligid ay dumarating doon tuwing ikapitong araw upang makatulong nila.

26. Kailangan nilang gawin ito sapagkat ang apat na Levitang bantay doon ay namamahala rin sa mga silid at kayamanang nasa Templo.

27. Doon na sila natutulog sa Templo, sapagkat sa kanila ipinagkatiwala ang pangangalaga at pagbabantay niyon. Sila rin ang nagbubukas ng Templo tuwing umaga.

28. Ang iba sa kanila'y tagapangalaga ng mga kagamitan sa paglilingkod, sapagkat kailangang bilangin nila iyon tuwing gagamitin at ibabalik sa lalagyan.

29. Ang iba nama'y nangangalaga ng mga kasangkapan, ang iba naman ay sa mga kagamitan sa paglilingkod, tulad ng pinong harina, alak, langis, insenso at mga pabango.

30. At ang iba pa ang taga-timpla ng mga pabango.

31. Isa sa mga Levita na mula sa angkan ni Korah, si Matitias na panganay ni Sallum ang tagagawa ng manipis na tinapay.

32. May ilan pang mula sa angkan ni Kohat ang tagaayos naman sa mga tinapay na handog tuwing Araw ng Pamamahinga.

33. Ito ang mga pinuno ng mga sambahayang Levita na umaawit at doon na rin tumitira sa mga silid sa Templo. Wala silang ibang gawain, sapagkat kailangang gampanan nila ang kanilang tungkulin araw-gabi.

34. Sila'y mga pinuno ng mga sambahayang Levita ayon sa angkan at sila'y sa Jerusalem naninirahan.

35. Doon din tumitira si Jelhiel, ang nagtatag ng bayan ng Gibeon. Ang asawa niya'y si Maaca.

36. Ang mga anak nila'y sina Abdon, Zur, Kish, Baal, Ner, Nadab,

37. Gedor, Ahio, Zacarias at Miclot.

38. Si Miclot ang ama ni Simeam at ng iba pang kamag-anak nilang nakatira sa tapat ng Jerusalem.

39. Si Ner ang ama ni Kish na ama naman ni Saul. Si Saul ang ama nina Jonatan, Melquisua, Abinadab at Esbaal.

40. Ang anak ni Jonatan ay si Merib-baal na ama naman ni Mica.

41. Ang mga anak ni Mica ay sina Piton, Melec, Tarea at Ahaz.

42. Si Ahaz ang ama ni Jara, at si Jara naman ang ama nina Alemet, Azmavet at Zimri. Si Zimri ang ama ni Moza,

43. at si Moza naman ang ama ni Binea na ama nina Refaya, Elasa at Azel.