Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Cronica 29:6-17 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

6. Sumang-ayon agad ang mga pinuno ng mga sambahayan, ang mga pinuno ng mga lipi, ang mga pinuno ng mga hukbo at ang mga katiwala ng hari.

7. Kusang-loob silang nagbigay, at ang natipon para sa gagawing templo ay 175,000 kilong ginto, 350,000 kilong pilak, 630,000 kilong tanso, at 3,500,000 kilong bakal.

8. Ipinagkaloob nila ang kanilang mahahalagang bato sa kabang-yaman ng Templo ni Yahweh na nasa pamamahala ni Jehiel na mula sa angkan ni Gershon.

9. Masayang-masaya ang mga tao sa kanilang mga kusang-loob na panghandog kay Yahweh, at labis din itong ikinatuwa ni Haring David.

10. Sa harapan ng mga tao'y tuwang-tuwa si David na nagpuri kay Yahweh. Sinabi niya, “Purihin kayo magpakailanman, Yahweh, ang Diyos ni Israel na aming ama.

11. Sa inyo ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang karangalan at ang pagtatagumpay sapagkat inyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Sa inyo ang kaharian at kayo ang dakila sa lahat.

12. Sa inyo nagmumula ang kayamanan at ang karangalan at kayo ang naghahari sa lahat. Taglay ninyo ang kapangyarihan at kadakilaan, at kayo ang nagbibigay ng lakas at kapangyarihan sa lahat.

13. Pinasasalamatan namin kayo, O Diyos, at pinupuri ang inyong maluwalhating pangalan.

14. “Ngunit sino ako at ang bayang ito? Buong puso kaming nagkakaloob sapagkat ang lahat ng ito ay galing sa inyo at ibinabalik lamang namin.

15. Tulad ng aming mga ninuno, kami nga'y mga dayuhan at naglalakbay lamang. Ang buhay namin sa daigdig na ito ay parang anino at pansamantala lamang.

16. O Yahweh na aming Diyos, ang lahat ng kayamanang ito na aming ibinigay para ipagpagawa ng inyong tahanan ay sa inyo rin nagmula.

17. Alam kong sinasaliksik ninyo ang puso ng bawat tao, at natutuwa kayo sa mga matuwid. O Diyos, buong puso kong ipinagkakaloob sa inyo ang lahat ng ito. Nasaksihan ko rin ang buong puso at may kagalakang pagkakaloob ng inyong bayan na narito ngayon.