Magandang Balita Biblia Revisi

1 Mga Cronica 11:14-23 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

14. Ngunit tumayo si Eleazar sa gitna ng bukid at nakipaglaban. Sa ginawang ito, napatay niya ang mga Filisteo at nagtagumpay sa tulong ni Yahweh.

15. Minsan, nang ang mga Filisteo'y nagkakampo sa kapatagan ng Higante, tatlo sa tatlumpung mga pinuno ng Israel ang bumabâ sa kampo ni David, malapit sa yungib ng Adullam.

16. Noo'y nasa isang kuta si David; nasakop naman ng isang pangkat ng mga Filisteo ang Bethlehem.

17. Minsa'y buong pananabik na nasabi ni David, “May magbigay sana ng tubig sa akin mula sa balon sa tabi ng pintuang papasok sa Bethlehem!”

18. Nang marinig ito, sumugod agad ang tatlong magigiting na kawal, lumusot sa hanay ng mga Filisteo at kumuha nga ng tubig. Ngunit hindi ito ininom ni David. Sa halip, ibinuhos niya ito bilang handog kay Yahweh.

19. Sinabi niya, “Hindi ko maiinom ito sapagkat para nang dugo nila ang aking ininom. Buhay ang itinaya nila sa pagkuha nito!” Ito ang isa sa mga kagitingang ginawa ng Tatlo.

20. Si Abisai na kapatid ni Joab ay nakapatay ng tatlong daang kaaway sa pamamagitan ng sibat, kaya lalo siyang kinilala ng Bantog na Tatlumpu na kanyang pinamumunuan.

21. Siya ang pinakamatapang sa Tatlumpu kaya naging pinuno ng mga ito. Ngunit hindi niya napantayan ang Tatlong mandirigma.

22. Kabilang din sa mga kinilalang kawal si Benaias na anak ni Joiadang taga-Kabzeel. Siya naman ang pumatay sa dalawang mandirigma sa Moab, at lumusong sa balon minsang taglamig at pumatay sa leong naroon.

23. Siya rin ang pumatay sa higanteng Egipcio na dalawa't kalahating metro ang taas at may armas na isang sibat na ang hawakan ay napakalaki. Sinagupa niya ito na ang hawak lamang niya'y batuta, ngunit naagaw niya ang sibat. Ito na rin ang ginamit niya sa pagpatay sa higante.